The Admins' Pulse

Pagiging Mabuting Katiwala

ni: Reb Pd. Raul Macaraig

Tayong lahat ay mga KATIWALA ng Diyos. Ang Diyos ay nagtitiwala at tayo ay kanyang mga katiwala. Kapag sinabi nating “Spirituality of Stewardship.” Ito ay tumutukoy sa “uri ng pamumuhay”or it is a way of life.

Kung ito ay isang uri ng pamumuhay may limang prinsipyo na dapat nating isaalang-alang: Una, ALL IS GRACE. Tingnan natin ang lahat bilang biyaya. Lahat tayo ay tumanggap ng biyaya. Lahat ng mayroon tayo ay galing Diyos at lahat ng ito ay pahiram lang, hindi permanente, lahat ay mawawala.

Ikalawa, dahil sa ang lahat ay bigay sa atin at ipinagkatiwala sa atin, kung papaano natin gagamitin ito ay malaya nating gagamitin – YOU ARE FREE. Malaya kang gamitin ang lahat ng bigay ng Diyos. Talino, talento, yaman, kakayaahan at iba pa, kung gagamitin mo sa masama, ikaw ang bahala, kung gamitin mo sa mabuti, bahala ka rin.

Pero ang pangatlong prinsipyo ay ACCOUNTABILITY, darating ang panahon na magbibigay sulit tayo sa Diyos. Pananagutan natin ang lahat sa Diyos. Kailan? Sa oras ng ating kamatayan. Darating ang panahon at haharap tayo sa Diyos at ang tanong: Ano ang ginawa mo sa lahat ng ipinagkatiwala ko sa iyo? Naging mapagpasalamat ka ba?

Ang pang-apat na prinsipyo ay tungkol sa KATAPATAN. Tayo ba ay tapat sa Diyos? 

 

Ang ating katapatan sa Diyos ay maipapakita natin kung papaano natin pinapamahalaan ang lahat ng ibinigay niya sa atin. Ang atin mismong buhay, ang mga materyal na yaman, kung paano mo pinamamahalaan, kung paano mo pinag iingatan, kung paano mo ginagamit ay nagpapamalas ng iyong katapatan. Ang totoong mabuting katiwala ay tapat sa Diyos. Panglima, kung ginagamit natin ang mga biyaya, ito ay ating PAUNLARIN. Gamitin ang iyong mga talento, yaman at kakayahan sa paglilingkod sa kapwa dahil kapag ginamit natin ito mapapaunlad natin at ibabalik natin sa Diyos ang lahat ng may dagdag. Sana pagdating ng panahon, ibalik natin ang lahat sa Diyos ng may dagdag.